Mula sa pagpapakain sa mga inmate ng isang bilangguan sa Taguig, noong nakaraang Marso, hanggang sa pagtulong sa isang Community Pantry nitong Mayo, naging kaagapay ng Radyo Katipunan 87.9 FM si McKevin Bonza sa iba’t ibang proyektong pangkawanggawa ng opisyal na radyo ng Ateneo de Manila.
Para sa matapat at mapagbigay na empleado ng unibersidad, ang kanyang pagbubukas-palad sa mga kababayan nating apektado ng pandemia, ay dulot ng mga aral at payo ng lola niya, mula pa sa kanyang pagkabata.
“Naging inspirasyon ko ang Panginoong Maykapal at ang lola ko sa pagtulong. Bata pa lang ako, pinamulat na sa akin ng lola ko na wala sa estado ng buhay ang pagtulong sa kapwa.”
“Madalas niyang sinasabi sa akin na kapag may lumapit sayo, o nanghihingi ng tulong, ‘wag kang papaya na walang maibibigay sa kanya. Paano na lamang kung ikaw na lang ang bukod tangi niyang pag-asa para malutas ang problema niya? Iyan ang tumatak sa puso at isipan ko, na bilin ng lola ko,” kwento ni Bonza.
Sinasabing nakikilala natin ang Panginoon sa mga kapus-palad at nagdurusa, at para kay Bonza, malaki ang kanyang tiwala sa mga binhi ng kabutihan na kanyang itinatanim sa mga puso ng ating mga kapatid sa Diyos.
“Yung sa pagpapakain ko naman sa mga inmates ay ang Panginoon ang nakikita ko sa kanila. Kasi kung sino ang mga naliligaw ng landas, sila ang dapat hinihila sa kabutihan,” wika niya.
“Gawaan mo sila ng kabutihan at bigyan sila ng pag-asa. Kung puro kabutihan ang ibibigay mo sa kanila, maaring magbunga din ng kabutihan.”
Taos puso rin ang naging pagpapasalamat ni Bonza sa donasyon at suportang ipinamahagi ng Radyo Katipunan at Jesuit Communications, para sa matagumpay na community pantry sa Cardona, Rizal, na pinamunuan din ni Bb. Andrea Martija Felix, noong Mayo.
“Sobra-sobra po ang aking pasasalamat sa Radyo Katipunan at JesCom, at lalo na sa Panginoon. Nang dahil sa tulong na ipinagkaloob nila sa akin, matagumpay na naisagawa ang proyekto. Kaya muli, maraming maraming salamat po sa tulong at gabay niyo,” pahayag niya.
Para naman sa iba pang mga nais tumulong at sumali sa programang pang kawanggawa, hinikayat rin ni Bonza ang kanyang mga kapwa empleado ng Ateneo na isabuhay ang mga aral at turo ni San Ignacio, ngayong ‘Ignatian Year’.
“Sa mga empleado naman ng mga Ateneo, lagi natin alalahanin sa pang araw-araw natin ang ‘Ignatian Core Values’. Lahat ay kayang tumulong. Ang munting tulong, kung pagsasamahin natin, tiyak na lalago din yun. Maraming salamat po.”